MANILA, Philippines - Ipinabalik sa Maynila mula sa Daniel Romualdez Airport sa Tacloban City ang isang 34-anyos na umano’y ‘bading’ na sakay ng Cebu Pacific flight matapos ialarma sa Aviation Security Group sa NAIA ang pagnanakaw umano nito sa amo ng P19,000 cash na payroll money at P5,000 na revolving fund at $1,000 sa Malate, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ni MPD-Theft and Robbery Section (TRS) chief, C/Insp Edgardfo Carpio ang suspect na si Arvin Pineda, 34, stay-in helper sa Unit F 2690 Arellano Ave., corner Zobel Roxas St., Malate, Maynila.
Bunsod ito ng pagdulog ng biktimang si Vincent Marbella, 31, Civil Engineer na nawalan ng nasabing halaga.
Sa ulat ni Carpio, dakong alas-12:50 ng madaling-araw nang i-turn over sa kanilang tanggapan ang suspect matapos itong arestuhin sa paglapag ng eroplano sa airport sa Tacloban City.
Sa reklamo ng biktima, noong Enero 4, dakong 9:00 ng umaga nang mapuna ng pamilya Marbella na wala ang suspect hanggang sa matuklasan na wala na sa loob ng kaniyang drawer ang P19,000 cash na payroll money at P5,000 na revolving fund.
Mabilis ding ibineripika ng biktima ang 1-libong dolyar na idineposito nito sa account ng suspect at natuklasang nai-withdraw na.
Ayon sa biktima, nakumbinse siya ng suspect na depositohan ng US$1,000 ang kaniyang account upang may maipakitang ‘show money’ sa planong magtungo sa abroad upang magtrabaho.
“Nakiusap ang suspect sa kanyang amo kung puwede siyang magbukas ng dollar account bilang show money sa pag-aaply nito papuntang abroad para magtrabaho subalit winithdraw ito ng suspect,” ani Carpio.
Sa tulong ng pulisya, natukoy na sakay ng eroplano ang suspect na patungo sa Tacloban City kaya agad itong ipina-alarma sa NAIA Aviation Security Group at nakipag-ugnayan naman ang grupo ng MPD sa pangunguna ni PO2 Marlon San Pedro sa pagdakip sa suspect.
Sinabi umano ng suspect na napilitan siyang kunin ang pera upang matulungan ang kaniyang dalawang boyfriend na nag-abroad bilang waiter sa Jordan at ang isa na pinadadalhan ng pera sa Cagayan de Oro.