Maid na minaltrato ng amo, na-rescue
MANILA, Philippines - Nasagip ng pinagsanib na puwersa ng Manila Police District (MPD) at mga kinatawan ng Department of Social Welfare and Development (DWSD) ang 26-anyos na kasambahay na minaltrato ng mag-asawang amo sa loob ng mahigit na dalawang taon, sa Sta. Mesa, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Sa ulat ni C/Insp Anita Araullo, hepe ng MPD-Women and Children’s Concern Division (WCCD), ang biktimang si Edna Rose Teprado, tubong Iloilo ay naisalba lamang dahil sa inihulog niyang sulat mula sa bintana at napulot ng balut vendor na kaniyang hiningian ng tulong na nagparating sa mga awtoridad ng kaniyang kalagayan.
Kinilala ang mga suspect na sina Mario and Cynthia Regis, residente ng Room 3481, M.H. Arellano Street, Sta Mesa. Sila ay ipatatawag sa isang imbestigasyon dahil wala pang kaukulang warrant of arrest nang isagawa ang pagsalakay.
Dakong alas-7:30 ng gabi ng Martes nang salakayin ang bahay ng mag-asawang Regis at doon nakumpirmang noong Mayo 9, 2008 pa nakararanas umano ng pag-abuso mula sa mga amo ang biktima na dinatnang may mga sugat at pasa sa katawan.
Sinabi ng biktima na dalawang buwan lamang siyang nakatanggap ng sweldo na tig-P2,500 o kada buwan at nang mga sumunod na buwan ay hindi na, bukod pa sa hindi siya nakakakain ng regular at sinasaktan umano ng mga amo at hindi pinapayagang lumabas ng bahay.
Ikinakandado umano ang gate kaya upang makakain ay nanghihingi sa mga kapitbahay sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa bintana. Pinag-aaralan pa ang mga posibleng kasong isasampa sa mag-asawa habang ang biktima ay pansamantalang iko-kustodiya ng DSWD.
- Latest
- Trending