MANILA, Philippines - Pinaniniwalaang isa sa dalawang dinukot na lalaki sa Pasay City ng mga hinihinalang pulis ang natagpuan na isa nang bangkay sa lalawigan ng Bataan noon pang Disyembre 21.
Sinabi ni Southern Police District Director Jose delos Santos na pinadala na niya ang kanyang mga tauhan sa bayan ng Abucay, Bataan upang marekober ang bangkay ng sinasabing biktimang si Ferdinand Sales, alyas Fede.
Matatandaan na sinasabing tinangay ng mga armadong lalaki si Sales at Andy Bryan Ngie, 29, noong Disyembre 20 kung saan nakatakas naman ang kasamahang Indian national na si James Khumar.
Posibleng si Sales umano ang bangkay na nadiskubre ng mga awtoridad dahil sa litrato ng bangkay nito kung saan buo pa ang mukha, tattoo sa kanang balikat at damit na suot nang mawala ito. Isinama ng pulisya si Khumar sa Bataan upang positibong kilalanin nito ang bangkay.
Matatandaan na patungo sa Pasay police headquarters sa FB Harrison street ang tatlo nang harangin ng mga armadong suspek ang sinasakyan nilang van. Nagawang makatakas ni Khumar at makahingi ng saklolo sa kaibigang pulis na si Sr. Insp. Renato Apolinario na nasugatan kasama ng Indian national matapos na makipagbarilan sa mga suspek habang tuluyang dinukot naman sina Sales at Ngie.
Kinilala na ni Khumar si Chief Inspector Edwin Faycho at tauhan na si PO3 Edmond Peculdar, ng Quezon City Police District Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Group na kabilang umano sa mga pulis na humarang at nandukot sa kanyang mga kasamahan. Itinanggi naman ito ni Faycho sa kabila ng pag-amin na may operasyon sila sa Pasay City ng naturang araw at may koordinasyon pa sa Pasay police.