MANILA, Philippines - Umabot sa 28 kalalakihan ang hinihinalang positibo sa nakakamatay na sakit na HIV-Aids sa lungsod Quezon. Ayon kay Dra. Antonietta Inumerable, chief ng city health department sa lungsod, ang resulta ay bunga ng lumabas sa voluntary testing at counselling na isinagawa ng local government matapos ang HIV-AIDS awareness program dito. Sinabi ni Inumerable, ang 28 kalalakihan na nasa kategoryang “men having sex with men” ay kanilang nadiskubre nito lamang November 23 hanggang December 18, 2010. Nabatid na 2,300 na hinihinalang carrier ng virus ang kanilang inimbita subalit 449 lamang dito ang boluntaryong nagpasuri. Ayon pa sa doktora, karamihan sa mga reactive carrier ay mga estudyante, sex workers, ordinary workers na nag-eedad ng 18 hanggang 45-anyos. Samantala, tatlo naman ang nagpositibo sa syphilis noong 2010. Dagdag ni Inumerable, sa kabuuan, humigit kumulang sa 40 kaso ng HIV-AIDS ang naitala noong 2010, habang mahigit sa dalawampu naman ang naitala noong 2009.