3 pasahero sa motorsiklo bawal na! - MMDA
MANILA, Philippines - Maghihigpit na ngayong 2011 ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga motorsiklo na may tatlong pasahero o higit pa upang mabawasan ang bilang ng aksidente.
Ayon kay MMDA Chairman Francis Tolentino, sa Land Transportation Office Administrative Order AHS-2008-015, pinapayagan lamang ang dalawang pasahero sa isang motorsiklo, isang driver at isang backride.
Sa datos ng MMDA, nakapagtala ng 146 katao ang nasawi sa 20,251 aksidente na naganap mula Enero hanggang Mayo ng 2010. Nangunguna sa bilang ng aksidente ang sangkot ang motorsiklo na may 4,776; passenger jeep, 2,996; trak, 2,272; bus, 2,032 at taxi, 1,660.
Lumilitaw din sa datos ng MMDA Traffic Operations Center na patuloy ang pagtaas ng aksidente sa motorsiklo. Noong 2008, may 12,656 bilang ng aksidente kung saan 104 ang nasawi at 6,288 ang sugatan habang nitong 2009, nakapagtala ng 13, 561 aksidente kung saan 105 ang nasawi habang 6,327 ang sugatan. Patuloy namang kinakalap ang datos para sa taong 2010.
Ayon pa sa MMDA, 90 porsiyento ng mga aksidente ay dahil sa “human error” tulad ng paglagpas sa “speed limit, overtaking, pagsawalang-bahala sa batas trapiko at pagmamaneho ng lasing. May 5 porsiyento naman ang dahil sa depekto sa behikulo at 5 porsiyento din ang dahil sa kundisyon ng kalsada.
Nais rin ngayon ni Tolentino na igiit sa mga manufacturer ng motorsiklo na gawing “safety features” sa lahat ng brand ng motorsiklo ang otomatikong pagbukas ng headlight pagbukas ng makina at paggiit na bukas ito kahit na sa araw.
- Latest
- Trending