Dagdag seguridad sa Manila Zoo
MANILA, Philippines – Inutos ni Manila Mayor Alfredo Lim ang karagdagang security personnel sa Manila Zoological and Botanical Garden o Manila Zoo kaugnay ng inaasahang pagdagsa ng publiko na mamamasyal dito.
Ang kautusan ay ginawa ni Lim matapos na iulat ni Engr. Deng Manimbo, hepe ng parks and recreation bureau, na inaasahang aabot sa 30,000 katao ang magtutungo ngayon at bukas dito upang ipagdiwang ang Bagong Taon.
Nakatakda ding makipag-ugnayan si Manimbo kay MPD-Station 9 Commander, Senior Superintendent Frumencio Bernal, para sa karagdagang pulis na mangangasiwa sa kaayusan ng lugar mula alas 6 ng umaga hanggang alas 8 ng gabi.
Tiniyak naman ni Bernal na handa ang kanyang mga tauhan na magbigy ng sapat na proteksiyon sa mga magtutungo sa Manila Zoo katuwang ng mga tauhan ni CSF head Ret. Maj. Nicolas Amparo.
Ang entrance fee para sa hindi taga Maynila ay P40 sa mga matatanda at P20 sa mga bata habang ang mga resident eng Maynila ay magbabayad lamang ng P20, matanda at P10 , bata.
- Latest
- Trending


















