MANILA, Philippines - Nasawi ang isang computer technician makaraang barilin ng isa sa dalawang holdaper na nambiktima sa mga pasahero ng isang jeep, kamakalawa ng gabi sa Pasay City. Nakilala ang biktima na si Bernardo Vergavera, 44, ng B. Dagonoy St., Singalong, Manila sanhi ng isang tama ng bala ng hindi pa batid na kalibre ng baril sa kanyang leeg. Naganap ang insidente dakong alas-11:10 ng gabi sa kahabaan ng Taft Avenue malapit sa BBL Bus Terminal sa Gil Puyat Avenue makaraang magpanggap na mga pasahero ang dalawang holdaper bago naglabas ng baril at patalim at pagsapit sa madilim na bahagi ng Taft Ave. ay kaagad tinutukan ng baril sa leeg si Vergavera habang sinasamsam ng kasama ang kanyang mga personal na gamit. Pumalag umano si Vergavera at nagtangkang manlaban sa dalawa subalit pinaputukan kaagad siya ng suspect bago mabilis na bumaba ng jeep at nagtatakbong palayo sa lugar, tangay ang nakullimbat sa mga biktima.