Away pamilya motibo sa regalong bomba
MANILA, Philippines - Isa sa tinututukang anggulo ngayon ng mga imbestigador ng Taguig City Police ang away-pamilya sa pagpapadala ng regalong bomba na kumitil sa buhay ng 31-anyos na si Yvonne Chua, kamakalawa ng umaga.
Sinabi ni National Capital Regional Police Office (NCRPO) chief, Director Nicanor Bartolome na batay sa inisyal nilang pagsisiyasat, galing ang regalo sa isang kamag-anak ng mga Chua.
Isang babae na nagpakilalang katulong ng naturang kaanak ng biktima ang naghatid umano ng naturang regalo sa lumang bahay ng mga Chua sa Parañaque City na dinala naman ng driver ng pamilya sa bagong tahanan sa Mahogany Place III, Taguig.
Tinukoy pa ni Bartolome na bago ang pagsabog, nakatanggap pa ng “death threats” sa kanyang cellular phone si Yvonne.
Si Yvonne ang nagpapatakbo umano ng real state business ng pamilya Chua habang may negosyo rin naman sa exporting ang asawa na si Vincent. Inaalam pa rin ng mga imbestigador na may kaugnayan sa naturang negosyo ang naturang krimen.
Sinabi naman ni Taguig City Police chief, Sr. Supt. Tomas Apolinario na si Yvonne talaga ang target ng bomba dahil sa may nakalagay pang gift tag na nakasaad na: “To Yvonne. Merry Merry Christmas”, kaya ito ang nagbukas ng naturang regalo.
Tinutukoy pa rin naman ng pulisya ang pinanggalingan ng mga granada na iniregalo kay Yvonne.
Ayon kay Bartolome, may kabuuang limang granada umano ang laman ng package ngunit isang M23 grenade lang ang sumabog habang narekober ang apat na pawang mga M23 at MK2 grenades.
- Latest
- Trending