MANILA, Philippines - Isang dalaga ang nasawi matapos na tamaan ng ligaw na bala sa noo habang siya ay nasa itaas ng kanilang terrace at tinitingnan ang nagaganap na riot ng grupo ng mga kabataan sa lungsod Quezon, kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ang nasawing biktima na si Guillerma Terante, 26, ng Ninada St., Brgy. Commonwealth sa lungsod.
Sa ulat ni PO2 Hermogenes Capili, may-hawak ng kaso, nangyari ang insidente ganap na alas-2:30 ng madaling araw sa bahay mismo ng biktima.
Ayon kay Theresita Pedelino, tiyahin ng nasawi, nasa 2nd floor ng kanilang terrace ang biktima at nanood sa grupo ng mga kabataang nagra-riot sa harap ng kanilang bahay nang makarinig siya ng putok ng baril. Pagputok ng baril ay nakita na lang ni Theresita ang pamangkin na bumagsak sa sahig at duguan, dahilan para agad na humingi siya ng saklolo sa mga kapitbahay at itakbo ito sa Fairview Gen. Hospital ngunit idineklara din itong patay.
Sa ngayon, blangko pa rin ang awtoridad kung sino ang dapat papanagutin sa naturang insidente na pinalalagay nilang nagmula ito sa mga kabataang nagrarambulan.