Defending champion sa swimming competition nalunod
MANILA, Philippines - Hanggang kahapon ay hindi pa rin natatagpuan ng frogmen ng Philippine Coast Guard (PCG) ang 24-anyos na lalaki na kalahok sa swimming competition at sinasabing defending champion na isinagawa sa Pasig River, sa bahagi ng Binondo, Maynila, kamakalawa.
Pinaniniwalaang nalunod ang biktimang si Gerald Pamplona, pedicab driver, residente ng Nueva St., Binondo na hindi pa natatagpuan mula nang mawala sa paningin ng mga manonood sa patimpalak sa paglangoy.
Nabatid kay Manila Police District-Station 11 chief, P/Supt. Ferdinand Quirante na kabilang si Pamplona sa anim na maglalaban sa swimming na inorganisa ng Uno Seafood Wharf Palace, na matatagpuan sa Escolta St., Binondo, sa selebrasyon ng anibersaryo ng nasabing restaurant na taunang ginaganap ang swimming competition.
Malapit na sa finish line si Pamplona nang hindi na umano lumutang sa bahagi ng Muelle del Banco Nacional dakong alas-4:30 ng hapon.
Iginiit ni Quirante na hindi na dapat pang maulit ang pa-swimming sa Ilog Pasig na napakadelikado dahil hanggang kalahati umano ng lawak ng ilog, 100 meters ang paglalabanan bago bumalik sa finish line sa Muelle del Banco Nacional.
Nabatid na noong nakaraang taon ay panalo si Pamplona kaya sumali itong muli upang mapanatili ang pagiging kampeon. Patuloy pa umano ang search and retrieval operations sa katawan ng biktima.
- Latest
- Trending