MANILA, Philippines - Sa kamatayan inihatid ng isang ambulansya ang tatlo sa kanyang pasahero makaraang sumalpok ito sa toll booth ng Skyway, kahapon ng umaga sa Taguig City.
Nakilala ang mga nasawi na sina Rio Panganiban; Rosalinda Soler, 53; at Felix Soler, 59, kapwa ng San Carlos, Rosario, Batangas City.
Isinugod naman sa Parañaque Doctor’s Hospital ang mga sugatan pang biktima na nakilalang sina Marlyn Bota, 35, teller ng Skyway Corporation; Mary Grace Soler, 22; at Mercado de Castro, driver ng Mitsubishi ambulance (RAZ-884).
Sa ulat ng Skyway Traffic Management, naganap ang trahedya dakong alas-7 ng umaga nang sumalpok ang ambulansya na minamaneho ni De Castro sa teller booth number 6 na minamanduhan ni Bota sa may north-bound lane.
Nabatid na galing sa Lipa City, Batangas ang ambulansya ng PKI Employee’s Welfare Union upang isugod sa pagamutan sa Maynila si Felix Soler. Masyado umanong mabilis ang dating ng ambulansya na dumiretsong sumalpok sa toll booth at nasagi pa ang isang Isuzu Crosswind (XXL-539) na minamaneho ni Roberto Galang.
Nagtamo ng matitinding pinsala sa ulo at katawan ang tatlong nasawing biktima na isinugod sa Parañaque Doctor’s Hospital at sa Makati Medical Center.
Ayon sa pulisya, maaaring nawalan ng kontrol o sadyang nasiraan sa preno ang naturang ambulansya sanhi ng pagsalpok nito. Patuloy pang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang naturang insidente.
Nagdulot naman ng matinding pagsisikip sa trapiko ang naturang insidente dahil sa napilitang isara ng Skyway Corporation ang northbound toll booth at nabuksan lamang nang mahila na ang nawasak na ambulansya.