MANILA, Philippines - Nasa kritikal na kondisyon ang isang baguhang pulis makaraang pagbabarilin ng isang hindi pa nakikilalang salarin sakay ng isang taxi, kahapon ng madaling araw sa Parañaque City.
Inoobserbahan sa San Juan de Dios Hospital dahil sa tama ng mga bala sa katawan ang biktimang nakilalang si PO1 Cayetano Orquina, nakatalaga sa Police Community Precinct 2 ng Parañaque police. Nakatakas naman ang nag-iisang salarin makaraan ang pamamaril nito.
Sa ulat ng Parañaque police, naganap ang insidente dakong alas-5 ng madaling-araw sa kanto ng MIA at Quirino Road sa Brgy. Tambo, ng naturang lungsod habang nagpapatrulya si Orquina kasama ang dalawa pang pulis na sina PO3 Luis Gazzingan at PO2 Jose Argulles.
Isang taxi na nakaparada sa madilim na bahagi ng kalsada ang napansin ng mga pulis. Dito pinasya ng mga pulis na inspeksyunin ito at nautusan si Orquina na lapitan ang behikulo.
Isang lalaki naman ang bumaba sa taxi at nagtatakbo nang papalapit na ang pulis. Isa pang lalaki na nasa loob ng sasakyan ang biglang nagpaputok sa pulis kung saan agad na nabistay ito ng bala.
Hindi na nagawa pang mahabol ng mga kasamahan ni Orquina ang nagtatakbong salarin na tumakas sa hindi mabatid na direksyon.