MANILA, Philippines - Inumpisahan nang busalan ni National Capital Regional Police Office (NCRPO) chief, Director Nicanor Bartolome ang nguso ng mga baril ng mga pulis sa Metro Manila sa layong walang maitalang insidente ng tamaan ng ligaw na bala buhat sa alagad ng batas.
Pinangunahan ni Bartolome ang pagbubusal ng masking tape sa mga armas ng mga elemento ng Regional Public Safety Battalion, Regional Headquarters Support Group (RHSG) at Regional Police Intelligence and Operating Unit (RPIOU) sa isang simpleng seremonya sa Camp Bagong Diwa, Taguig City.
Inumpisahan na rin ng limang district directors kasama si Bartolome ang pag-iikot sa kanilang mga police stations upang pangunahan ang pagbubusal sa baril ng kanilang mga tauhan. Pinirmahan pa ang mga masking tape upang makatiyak na hindi mapapalitan.
Noong nakaraang taon, nakapagtala ang NCRPO ng tatlong insidente ng iligal na pagpapaputok ng baril ng mga pulis. Kasalukuyang sumasailalim na umano sa “dismissal proceedings” ang naturang mga pulis upang ipakita sa kanilang mga tauhan na seryoso ang pamunuan ng pulisya sa hangarin na malinis ang mga matitigas ang ulo at walang disiplinang alagad ng batas.
Nilinaw naman ni Sr. Supt. Dionardo Carlos, tagapagsalita ng NCRPO, na maaaring magamit ng mga pulis ang kanilang mga armas kung nasa tawag ng tungkulin tulad ng pagresponde sa isang krimen at pagtulong sa nangangailangan. Tatanggalin naman ang mga busal sa Enero 3, 2011 kung saan kinakailangan na iprisinta ng mga pulis ang kanilang mga sarili sa inspeksyon.