Totoy, nene pisak sa tanker, bus
MANILA, Philippines - Kagimbal-gimbal ang sinapit ng dalawang bata nang mapisak ang mga ito ng tanker at bus sa magkahiwalay na aksidente sa Maynila at Caloocan City.
Dead on the spot si Toby Harold Dodimas, Grade IV student at residente ng no. 1014 Romualdez St., Ermita, Manila matapos na magulungan ng ten-wheeler tanker truck nang masagi ang inaangkasang bisikleta ng kanyang pinsan sa Paco, Maynila kahapon ng tanghali
Boluntaryong sumuko sa mga awtoridad ang suspect at driver ng tanker truck na may plakang RHN-789 na si Joselito Varona, 43, may asawa ng Poster st., Sta. Rosa, Marilao, Bulacan.
Sa imbestigasyon ni SPO1 German Sainz, dakong alas-12:30 ng tanghali ng maganap ang nasabing insidente sa panulukan ng Pres. Quirino Ext., at San Antonio St., sa Paco, Manila.
Samantala, kalunus-lunos din ang sinapit ni Abbie Abdola, 5, naninirahan sa Kalaanan Compound, Bgy. 88, ng naturang lungsod makaraang masagasaan ng bus dakong alas-8 kamakalawa ng gabi sa EDSA, Caloocan City.
Naglalaro ang biktima nang mahagip ito at pumailalim sa bus na nakikipagkarerahan sa driver ng bus na may plakang UEV-527.
Inaalam na ngayon ng pulisya ang kumpanya ng bus sa pamamagitan ng pagtukoy sa plaka nito sa Land Transportation Office (LTO) at pagkakakilanlan ng driver at konduktor upang bigyan ng katarungan ang pagkasawi ng biktima. (Danilo Garcia/ Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending