Ilang oras lamang inampon, baby namatay
MANILA, Philippines – Isang 7-araw na gulang pa lamang na sanggol ang namatay ilang oras pa lamang napapasakamay ng mag-asawang umampon dito sa Sampaloc, Maynila, kamakalawa ng hapon. Wala pang ibinibigay na pangalan sa nasawing ‘baby boy.
Sa imbestigasyon ni PO1 James Lagasca, dakong 2:45 ng hapon ng bisperas ng Pasko nang bawian umano ng buhay ang beybi. Sa pahayag naman ng midwife na si Benita Costales, 33, ng Sampaloc, Manila, inampon nila ang baby mula sa isang dating katulong sa bahay na itinago sa pangalang “Trisha” na umano’y nabuntis lamang sa isang lihim na relasyon kaya’t natakot na ipakita sa kaniyang asawa ang anak.
Nabatid kay Costales, na tinawagan siya ni Trisha sa cellphone noong Dis. 23 at ipinasusundo ang beybi sa Barangay Cendalan, Angeles City , Pampanga, kaya’t alas-11 ng umaga ng Dis. 24 ay tinungo nila ito at inuwi sa Maynila ang beybi.
Nang mga oras na iyon ay panay umano ang pagsusuka ng sanggol at nilalagnat hanggang sa makarating sila sa kanilang bahay sa Sampaloc.
Dakong alas-2:15 na nakarating sa bahay sa Sampaloc ang mag-asawa at sanggol na hindi pa umano tumitigil ang pagsusuka hanggang sa maghabol ng hininga at tuluyang mapatid ito.
Pinilit umano nilang gawan ng paraan na mabuhay ang sanggol subalit hindi na naagapan kaya’t tinawagan nila si Trisha sa cellphone nito subalit bigo na silang makontak pa.
Nabatid din na noon pa umanong Mayo ng taong kasalukuyan nang ipangako ni Trisha sa mag-asawang Benita at Ismael Costales na ibibigay na lamang ang ipinagbubuntis dahil sa kawalan ng anak sa loob ng 5 taong kasal .
Inilagak na sa St. Patrick Funeral Homes ang sanggol para sa awtopsiya.
- Latest
- Trending