Kahit Pasko, terminal ng bus ipinasara
MANILA, Philippines - Hindi naging hadlang sa lokal na pamahalaan at pulisya sa lungsod Quezon ang pagdiriwang ng araw ng Pasko, para ipatupad ang closure order sa isang bus terminal dito na nagresulta para ma-stranded ang daang pasahero na papauwi ng kanilang probinsya kamakalawa.
Sa pangunguna ni Dr. Vic Endriga, city administrator ng lungsod at Police Station 10 chief Supt. Constante Agpaoa, ipinasara nito ang Florida bus terminal na matatagpuan sa panulukan ng Kamias Road, Edsa sa lungsod.
Ayon kay Endriga, ang pagpapasara sa nasabing terminal ay base sa utos ni Mayor Herbert Bautista, bunga ng kawalan umano nito ng building permit para mag-operate.
Gayunman, maaari rin umanong maipagpatuloy ng nasabing tanggapan ang kanilang operasyon sa sandaling maisaayos na nila ang kinakailangang dokumento para dito.
Dahil dito, maraming pasahero na papauwi sana sa kanilang probinsya ang nadismaya lalo na ang mga may dalang mga bata at sanggol, dahil sa hirap ng pagbubuhat ng kanilang bagahe.
Reklamo naman ng mga pasahero bakit hindi muna pinagpaliban ang pagpapasara sa terminal gayong Pasko naman at hindi nakaabala sa kanila na papauwi na ng probinsya.
- Latest
- Trending