Driver ng Corimba bus kinasuhan na
MANILA, Philippines - Pormal nang sinampahan ng kaso ng Quezon City Police District-Traffic Management Unit ang driver ng bus na nakabundol at nakapatay sa isang judge at asawa nito sa lungsod kamakailan.
Ayon kay Chief Supt. Arnold Santiago, hepe ng TMU ng QCPD, kasong reckless imprudence resulting in homicide ang isinampa nila laban kay Generoso Maganti Jr., 42, ng Mayantoc Tarlac ang driver ng Corimba express bus (TXX-508).
Ito ay bunga ng pagkamatay ng mag-asawang sina Makati RTC judge Reynaldo Laigo, 70, at asawang si Lilia, 66, naipit sa kanilang sinasakyang Mitsubishi Mini-Pajero (RCU-547) matapos na salpukin ng minamanehong bus ni Maganti.
Ayon kay Santiago, kailangang harapin ni Maganti ang kanyang kinakasangkutang problema upang mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng mag-asawa.
Magugunitang ang mag-asawa ay nasawi nang bundulin ng naturang bus habang sakay ng kanilang Mini-Pajero at tinatahak ang Commonwealth Avenue patungo sa Good shepherd church sa Fairview ganap na alas- 4 ng madaling araw kamakalawa.
Sinabi ni Santiago, ang Commonwealth ay itinuring na “killer highway” dahil sa dami ng bilang na naaksidente dito. Sinasabing tatlo hanggang limang vehicular accidents ang nangyayari sa nasabing kalye kada araw kaya naging bansag na ito bilang “killer highway.”
Ayon sa ulat, nitong Disyembre ay nagtala ng 10 katao ang nasawi sa aksidente lamang sa Commonwealth Avenue.
Sinabi pa ni Santiago, ang wide lanes at ang mabilis na pagpapatakbo ng sasakyan ng mga motorista ang unang sanhi ng aksidente.
Ang iba pang sanhi ng aksidente ay kakulangan sa street lights sa lugar kapag gabi, gayundin ang kakulangan ng signages, ang kawalan ng motorcycles o bicycle lanes, at warning signs sa mga U-turn slots.
- Latest
- Trending