2 miyembro ng 'Estribo Gang', timbog

MANILA, Philippines - Arestado ang dalawa sa anim na miyembro ng Estribo Gang kabilang dito ang isang 14-anyos na batang lalake ilang segundo makaraang holdapin nito ang isang pampasaherong jeepney sa lungsod Quezon kamakalawa.

Kinilala ang mga suspect na sina Patrick Yorak, 19, binata at ang menor de edad na itinago sa pangalang Lito, kapwa residente ng Evange­lista St., Brgy. Payatas sa lungsod.

Patuloy naman ang pag­tugis ng Quezon City Police sa apat pang mga kasama­han nito na mabilis na nakatakas matapos ang panghoholdap.

Sa ulat, ang dalawang suspect ay nadakip ng ru­mes­pondeng pulis na si SPO4 Joyful Fulgencio na hini­ngan ng tulong ng da­lawa sa mga biktima na sina Regine Cegoco, 21; at Maryrose Manay, 32.

Lumilitaw na nangyari ang insidente sa may kahabaan ng Commonwealth Avenue sa lungsod ganap na alas-6:30 ng gabi.

Diumano, sumakay ang mga suspect at nagkunwa­ring pasahero, at pagsapit sa nasabing lugar ay sabay labas ng patalim at deklara ng holdap.

Sinasabing hindi namalayan ng mga biktima na mga holdaper ang mga suspect dahil pawang mga bata pa ang ilan sa mga ito. Matapos makuha ang gamit at pera ng mga biktima ay saka nagsipagbabaan patakas ang mga suspect.

Hindi pa nakakalayo ang mga suspect ay agad namang humingi ng tulong ang dalawa sa mga biktima kay Fulgencio na mabilis namang rumisponde at nadakip ang dalawa sa mga suspect.

Show comments