MANILA, Philippines - Ibinasura ng Manila Regional Trial Court ang isinampang petisyon ng mga kuliglig drivers laban sa ipinatupad na executive order ni Mayor Alfredo Lim.
Ang mga kuliglig drivers sa ilalim ng Alyansa ng Nagkakaisang Pedicab at Kuliglig Drivers ng Manila (Alnapedku) ay naghain ng kanilang petisyon sa MRTC branch 39 upang kuwestiyunin at ipatigil sa korte ang ipinatutupad na kautusan ni Lim na nagbabawal sa mga three-wheeled vehicles na pumasada sa mga pangunahing kalsada sa lungsod simula Disyembre 1.
Batay sa desisyon ni MRTC Judge Noli Diaz, ang Office of the Mayor ay may karapatang ipatupad ang mga batas trapiko bagama’t apektado dito ang mga kuliglig drivers.
Sinabi pa ni Diaz na walang sapat na batayan ang mga driver upang balewalain ang kautusan sa pamamagitan ng paghingi ng TRO. Sa Pebrero naman nakatakda ang pagdinig ng kaso kung unconstitutional o hindi ang kautusan ni Lim.