Patay na baby itinapon sa kalye ng ama
MANILA, Philippines – Isang kasisilang lamang na sanggol na tinatayang nasa 7 buwan o premature ang natagpuan sa isang kalye sa lungsod Quezon kahapon ng umaga, ayon sa ulat ng pulisya.
Ang sanggol ay nakabalot lamang sa telang puti at nakalagay sa maliit na karton nang matagpuan ng mga residente. Mayroon pa itong mga tag sa magkabilang binti na may nakasulat na Dra. Ramirez at NSO 4:40 p.m. saka Baby Boy Jay Gonzaga.
Ayon sa pulisya, natagpuan ang sanggol ng mga residente sa may NIA Road, Brgy. Culiat ganap na alas-5 ng umaga.
Dalawang bata ang nakita ng mga residente na papalayo sa naturang lugar na pinaniniwalaang siyang nagtapon sa bata.
Sa pagsisiyasat ni Supt. Constante Agpaoa hepe ng Police Station 10 napag-alaman kay Dra. Ma. Victoria M. Abesamis, chief clinics ng East Avenue Medical Center, na ang bata ay isinilang noong Disyembre 12, 2010 ng isang JenJen Gonzaga na ang asawa ay si Joseph Cajinod na pinaniniwalaang nagtapon sa bata dahil sa pagkabigo at problema sa pera. Si Jenjen ay kasalukuyang nasa East Avenue Medical Center at nagpapagaling.
Lumilitaw sa pagsisiyasat na ang bata na isinilang na may timbang na 530 grams at kakaunti ang tsansa na mabuhay, ayon pa sa doktor, dahilan para mamatay ito ganap na alas-10:05 kamakawala ng gabi na ang dahilan ay natural death.
Sinasabing matapos mamatay ang sanggol, kinuha umano ito ng kanyang tatay sa akalang bibigyan ito ng disenteng libing, subalit nabalitaan na lamang na itinapon ito sa naturang lugar. Diumano, binigyan umano ng P50 pesos ang dalawang bata para itapon ang baby sa may NIA road. Pinag-aaralan ang ikakaso sa ama nito.
- Latest
- Trending