MANILA, Philippines – Walang epekto sa Metro Manila ang namataang Low Pressure Area (LPA) kung kaya patuloy na makakaranas ng maaliwalas na panahon ang publiko.
Ayon kay Leny Ruiz ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa), mas naapektuhan ng LPA ang bahagi ng hilagang Luzon at pag nagtuluy-tuloy ito ay maaring tumawid sa Central Luzon area kaya magiging maulan dito sa loob ng 24 oras.
Kahapon, namataan ang namumuong sama ng panahon 80 kilometers sa hilagang bahagi ng Legaspi City.
Sinabi ni Ruiz na hindi pa inaasahang magiging bagyo, pero magbibigay ito ng mga masamang panahon o pag-ulan sa naturang lugar.
Aniya, wala namang inaasahang pag-ulan pagsapit ng Pasko, dahil ang weather system na nakaka-apekto sa bansa ngayong Disyembre ay ang tail end ng cold front na ang apektado ay ang Luzon hanggang Visayas at ang inter-tropical convergence zone sa Mindanao.
Dahil dito, mas dapat na asahan ang paglamig ng panahon lalo na sa hilagang-silangan ng Luzon kung saan unti-unti nang nararanasan ang malamig na panahon hanggang sa Metro Manila.
Ang malamig na panahon ay patuloy na mararanasan sa susunod na taon at ang pinakamataas na temperatura ay mararamdaman anya sa kalagitnaan ng Enero o unang linggo ng Pebrero.