Jail warden natakasan, sibak
MANILA, Philippines – Sinibak sa pwesto ni Bureau of Immigration (BI) officer-in-charge Ronaldo Ledesma ang warden at jail guard na nakatalaga sa detention center sa Bicutan, Taguig City matapos matakasan ng nakakulong na isang German national.
Kinilala ang mga sinibak sa puwesto na si jail warden Enrico Gecomo at jail guard Geronimo de Guzman ng BI Civil Security Unit.
Inatasan din ni Ledesma ang dalawa na magpaliwanag sa loob ng 72 oras kung bakit hindi sila dapat sampahan ng kasong administratibo dahil sa pagkakatakas ni Andreas Kohn, matapos itong eskortan patungong German Embassy.
Si Gecomo ay pinalitan ni BI Confidential Agent at retired Police Inspector Rodelio Obice na itinalaga bilang acting warden habang patuloy na iniimbestigahan ang naturang insidente.
Sa inisyal na report sinasabing si Kohn ay pinahintulutan na makakuha ng dokumento sa German Embassy sa Makati noong Disyembre 8.
Si Kohn ay ineskortan ni de Guzman na siya ring nag- ulat ng pagkawala ng una habang nagmemeryenda ang mga ito sa isang fastfood chain sa Evangelista Street sa Makati City.
Nahaharap naman sa kasong neglect of duty o misconduct sa dalawang empleyado ng BI dahil sa naturang insidente.
- Latest
- Trending














