Barangay kagawad timbog sa droga
MANILA, Philippines - Isa na namang narco-politician ang naaresto ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa isang buy-bust operation sa lungsod Quezon kamakalawa.
Kinilala ni PDEA director General/Sr. Undersecretary Dionisio R. Santiago, ang suspect na si Pangalian Sarib Barao, alyas Abdul, 40, residente sa Gunao St., Quiapo Manila.
Si Barao ay nadakip ng tropa ng PDEA Metro Manila Regional Office (MMRO) sa pangunguna ni Director 3 Wilkins Villanueva at Area Task Group Bravo (ATG-B) sa may open parking lot ng Trinoma Mall sa Bgy. Pag-asa sa lungsod ganap na alas-4 ng hapon. Si Barao ay bagong halal umanong barangay kagawad sa Cabayuan, Buldon, Maguindanao.
Narekober dito ang dalawang plastic sachet ng shabu na nakabalot sa dyaryo at packaging tape, at isang piraso ng P1,000.
Naganap ang pagdakip kay Barao kasunod ng impormasyon ng PDEA na kabilang ito sa mga nagtutulak ng droga sa MM dahilan para isagawa ang entrapment operation laban dito.
Ayon kay Santiago, ang pagkakaaresto kay Barao ay patunay lamang na may mga halal na opisyal ng pamahalaan na sangkot sa illegal drugs activities na karamihan sa kanila ay direktang nag-ooperate nito.
Kasong paglabag sa Section 5 article II ng Republic Act 9165 o comprehensive dangerous act of 2002 ang kinakaharap ngayon ng suspect.
- Latest
- Trending