Wanted na ex-US Army, timbog ng NBI
MANILA, Philippines - Naaresto ng Bureau of Immigration (BI) Interpol unit ang isang dating US Army serviceman na wanted sa US military authorities dahil sa pag-abandona sa puwesto nito.
Kinilala ni BI Officer in Charge Ronaldo Ledesma ang pugante na si Michael Lawrence Eastwood, 41, na mayroong warrant of arrest mula sa US Department of Defense kung saan walang inirekomendang piyansa sa paglaya nito.
Si Eastwood ay naaresto ng BI interpol operatives sa bahay nito sa Gabriel St., Baclaran, Parañaque City at kasalukuyang nakapiit ngayon sa BI detention center sa Bicutan, Taguig habang nakabinbin ang deportation case nito upang harapin ang kasong court martial sa US dahil sa pag-abandona sa kanyang army post.
Ayon kay Atty. Faizal Hussin, BI Intelligence chief, si Eastwood ay over-staying na sa bansa ng halos isang taon at maituturing na rin itong undocumented alien matapos na kanselahin ng US State Department ang pasaporte nito noong July 2 ng taong kasalukuyan.
Lumalabas sa record ng BI na si Eastwood ay dumating sa bansa bilang turista noong Nobyembre 29 ng nakaraang taon subalit hindi ito nag-extend ng kanyang visa matapos ang kanyang 21-day tourist na nag expired na.
- Latest
- Trending