Akyat-bahay na karnaper, umatake
MANILA, Philippines - Natangayan ng hindi pa mabatid na halaga ng salapi at isang kotse ng isang residente matapos pasukin ng tinatayang tatlong magnanakaw ang inuupahan niyang apartment kahapon ng umaga sa lungsod Quezon.
Ayon sa ulat ng Police Station 10 ng Quezon City Police, pasado alas-5 ng madaling araw nang malaman ng biktimang si Philip Magtulis na pinasok sila ng magnanakaw makaraang matuklasang nagkalat ang kanilang mga gamit at nawawala na rin ang kanyang sasakyang Toyota Vios (XLW-502).
Base sa inisyal na pagsisiyasat, nagawang mapasok ng mga suspect ang bahay ng biktima sa #163 Mother Ignacia St, Brgy. South Triangle sa pamamagitan ng pagsira sa double lock ng pinto sa loob ng bahay.
Bago nito, dinistrungka ng mga suspect ang screen ng bintana na malapit sa pintuan bago dinukot ang double lock sa loob at nabuksan. Mula rito ay sinimulan ng mga suspect ang paglimas sa mga gamit sa sala, habang nasa kasarapan ng tulog ang pamilya ni Magtulis na nasa ikalawang palapag.
Sinabi ni Magtulis, posibleng alas -3 ng madaling araw ginawa ng mga suspect ang pagnanakaw at nasa kasarapan sila ng pagtulog dahil hindi man lamang nila narinig ang tunog ng kanyang kotse ng paandarin at itakas ng mga suspect.
- Latest
- Trending