Bus umapoy sa Edsa
MANILA, Philippines - Nagkagulo ang mga pasahero ng isang bus matapos na maglagablab ito habang bumibiyahe sa kahabaan ng Edsa sa lungsod Quezon kahapon. Ayon sa ulat, ganap na alas -9 ng umaga nang maglagablab ang EPJ transport bus (PWX-662) na may biyaheng Quiapo-Fairview na minamaneho ng isang Faustino Tabora. Sinasabing patungong SM Fairview ang bus at binabagtas ang kahabaan ng Quezon Avenue kung saan pagsapit sa panulukan ng Sct. Albano ay biglang umusok ito. Ayon kay Tabora, hindi umano niya napuna na umuusok na ang hulihan ng kanyang bus kung hindi pa siya sinabihan ng isang motorista. Agad na nagsipagbabaan ang mga pasahero para iligtas ang kanilang sarili matapos magsimula nang lumaki ang apoy at unti-unting lamunin nito ang bus. Dahil dito, nagdulot naman ng matinding trapik sa mga motorista ang insidente partikular sa kahabaan ng Quezon Avenue patungong Edsa kung saan nakadagdag pa dito ang mga usyoserong halos walang pakialam sa mga motoristang nagdaraan dito.
- Latest
- Trending