Ospital nabulabog sa sunog
MANILA, Philippines - Nagkagulo ang mga doktor at pasyente ng East Avenue Medical Center makaraang sumiklab ang apoy sa conference room nito kahapon ng umaga sa lungsod Quezon.
Ito ang pangalawang pagkakataon na nasunog ang ilang parte ng ospital kaya naman halos hindi magkamayaw ang mga doktor sa paglikas sa mga pasyente mula ikalawang palapag para makaligtas sa posibleng masamang mangyari.
Alas-4:44 ng umaga nang sumiklab ang apoy sa nasabing kuwarto na matatagpuan sa ikalawang palapag matapos na maispatan ang usok na nagmumula sa mezzanine nito.
Agad na inabisuhan ng opisyales ng ospital ang mga doktor na pababain ang mga pasyente kung saan pinalinya ang mga ito sa labas ng main building habang inaapula ng mga rumespondeng pamatay-sunog ang apoy.
May mga pasyenteng bata, buntis na nasa Intensive Care Unit na nasa 3rd floor ng ospital ang inalalayan pababa, habang ang mga pasyenteng may respiratory problems ay dinala naman sa medical facility para mailayo sa pagkakalanghap ng usok.
Tinitignan ang faulty electrical wiring na siyang pinagmulan ng apoy dahil wala naman ibang gamit na maaring magsiklab sa nasabing kuwarto.
Bukod sa mga nabulabog na pasyente wala namang iniulat na nasaktan sa naturang sunog.
- Latest
- Trending