Taxi salpok sa tren: 1 patay, 6 pa sugatan
MANILA, Philippines - Labas ang buto sa balikat nang tumilapon ng ilang metro at agad na binawian ng buhay ang 17-anyos na dalagita matapos salpukin ng tren ang sinasakyang taxi, habang 6 pang pasahero ng taxi ang nasugatan, isa ang nasa kritikal na kondisyon kahapon ng umaga sa Pandacan, Maynila.
Dead on arrival sa Ospital ng Maynila ang biktimang si Gemma Reyes, isa sa ulila na kinakalinga ng White Cross Children Homes, isang bahay ampunan, na matatagpuan sa 276 Santolan Road, San Juan City.
Nilalapatan pa ng lunas sa nasabi ding ospital sina Glory Jean Canillas, 35, empleyado at Shiella Mae dela Cruz, volunteer worker ng nabanggit na bahay-ampunan; Donalyn Lozano, 10; Rachael Lozano, 8 at Regine Lozano, 16, magkakapatid na pawang ulila at nakatakda sanang ampunin ng isang taga-Estados Unidos at ang driver ng taxi na si Deogracias Fajardo, 60.
Sa ulat ni SPO3 Sergio Macaraeg ng Traffic Management Bureau, dakong alas-7:00 ng umaga nang maganap ang insidente sa kanto ng Laura at P. Carreon Sts., Pandacan, Maynila.
Nabatid na sakay ang mga biktima ng Sun and Dim taxi (TXK 467) na minamaneho ni Fajardo na umano’y patungo sana sa Department of Foreign Affairs (DFA) para asikasuhin ang mga papales ng mga batang magtutungo sa US nang sa pagtawid nila sa riles ay dumaraan naman ang isang PNR train na kapi-pick-up lamang ng mga pasahero sa Pandacan station patungong Alabang.
Hindi umano napansin ng taxi driver ang tren kahit na nakaharang na ang signal man upang hindi na tumawid ang taxi subalit dumiretso umano ito. Hindi rin umano mabilis pa ang tren dahil kapi-pick up pa lamang ng pasahero subalit malakas umano ang impact sa harapang bahagi ng taxi kaya’t tumilapon ang nasa tabi ng driver na si Reyes.
Nabatid din na ang isa sa magkakapatid na Lozano ay wasak ang mukha at may crack sa bungo.
Inihahanda ang mga kasong reckless imprudence resulting in homicide at multiple physical injuries laban sa driver /operator ng tren.
- Latest
- Trending