MANILA, Philippines - Sumuko na kahapon ang isang pulis na responsable sa pamamaril sa isang lamay na ikinasawi ng dalawa katao at ikinasugat ng isa pa nitong Linggo sa lungsod Quezon.
Inihahanda na ang kasong isasampa laban kay PO1 Jupiter Duruin ng Quezon City Police District Station 8 at ngayon ay nasa himpilan ng QCPD sa Camp Karingal. Si Duruin ay itinuturo na siya umanong nakapatay sa biktimang sina Robert Matamis, 35 at Carlos Sison, 50, mga residente sa Escopa 3, Bliss sa Project 4, Quezon City. Isa pang biktima na nakilalang si Melvin Caampued ay nagtamo ng tama ng bala sa braso.
Sa imbestigasyon ni PO2 Loreto Tigno, nangyari ang insidente sa Escopa 3, Bliss sa Project 4 ganap na ala-1:30 ng madaling- araw habang isang Robert Matamis ang nakitang may bitbit na deadly weapon sa isang lamay sa patay dito. Sinasabing si Matamis ay notorious na magnanakaw.
Agad na ipinadala si Duruin kasama ang dalawa pang kabaro na sina PO3 Jesus Saguibo at PO1 Leonardo Beleno Jr., sa lugar. Ayon sa mga testigo, nang dumating ang mga pulis sa lugar ay nagdulot ito ng komosyon dahil may bitbit na baby armalite si Duruin. Subalit, dahil alam ni Duruin na si Matamis ay armado ng deadly weapon ay nagpaputok na umano ito ng kanyang armas sanhi para tamaan ang huli at dalawa pang biktima. Patay agad sina Matamis at Sison, habang isinugod naman sa ospital si Campid. Matapos nito, agad na umiskapo ang mga pulis at hinayaan lamang nakatimbuwang sa kalye ang dalawang biktima.