Parak sugatan sa holdap
MANILA, Philippines - Sugatan ang isang miyembro ng Manila Police District (MPD) nang saksakin ng isa sa tatlong holdaper matapos niyang mabaril ang kasamahan nito, sa loob ng isang tumatakbong pampasaherong jeep sa Ermita, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Ginagamot sa Philippine General Hospital (PGH) ang biktimang si PO1 Ryan Datu, 31, nakatalaga sa MPD-station 4 at residente ng Alfonso St., Balut, Tondo, Maynila, dahil sa tinamong saksak sa katawan.
Nakatakas naman ang tatlong suspect na armado ng isang kalibre 38 at patalim. Isa sa kanila ang may tama umano ng bala sa katawan dahil sa pagtatangkang mang-agaw ng baril.
Ayon sa ulat, dakong alas-8:35 ng gabi nang maganap ang insidente sa Buendia, Pasay City hanggang sa umabot sa panulukan J. Nakpil st., Ermita.
Salaysay ni Datu, sumakay siya mula Buendia sa pampasaherong jeepney (TXH 126) na minamaneho ng isang Alexander Alvarez at doon na niya inabutan na sakay umano ang mga suspect at iba pang pasahero. Pagsapit sa Ermita ng jeep ay naglabas ng baril ang isa sa suspect at patalim ang dalawa bago nagdeklara ng holdap at kinolekta ang mga pera at kagamitan ng mga pasahero.
Nagtangka pang kapkapan ang mga bulsa ng mga pasahero kaya napilitan si Datu na bunutin na ang baril at paputukan ang isa subalit sinaksak siya ng isa pang katabi umano ng driver habang ang isa naman ay tinangkang hablutin ang baril.
Hanggang sa matakot at magkagulo sa loob ng dyip pati mga pasahero at driver hanggang sa makatakas ang mga suspect. Kapwa pasahero ni Datu ang nagdala sa kanya sa ospital.
- Latest
- Trending