MANILA, Philippines - Patay ang isang obrero matapos mahulog mula sa ika-anim na palapag na pinagtatrabahuhan nitong gusali sa Quezon City, kahapon ng umaga.
Kinilala ni PO2 Mark Otelo ng Police Station 2, ang nasawi na si Ferdie Basco ng Mandaluyong City, Metro Manila.
Ayon kay Otelo, ang biktima ay natagpuan na lamang patay ng kanyang foreman na si Rommnick Llanado, sa ground floor ng Grass Residences Tower 3 sa panulukan ng Nueva Viscaya Street at Misamis Street sa Brgy. Pag-asa dakong alas-5:30 ng umaga.
Bago ang insidente, kuwento ng mga kasamahang sina Rommel Habinar, Bartolome Catalan, at Nick Lardizabal, magkakasama silang nasa ika-anim na palapag ng gusali nang umalis ang biktima para kumuha ng gamit.
Subalit, ilang oras na ay hindi pa bumabalik ang biktima, hanggang sa ipabatid sa kanila ng foreman na namataan nito na duguang nakahandusay sa ground floor.
Tinangka pang isugod ng kanyang mga kasamahan sa Dr. Sioson Hospital sa Brgy. Magsaysay ngunit idineklara patay ang biktima.
Ayon kay Otelo, wala namang kagalit ang biktima sa nasabing lugar, base sa kuwento ng kanyang mga kasamahan, kung kaya pinalalagay nilang nadulas ito at nahulog.
Gayon pa man, hihintayin pa rin ng awtoridad ang kalalabasan ng awtopsiya upang matukoy ang tunay na dahilan ng insidente.