Binatilyo inawat sa pagko-computer, nagbigti
MANILA, Philippines – Isang 17-anyos na binatilyo ang nagpakamatay sa pamamagitan ng pagbibigti sa sarili matapos na mapagalitan ng kanyang magulang dahil sa umano’y pagiging adik sa computer games sa lungsod Quezon, ayon sa pulisya kahapon.
Patay na nang matagpuan ang katawan ni Raymart Silanga na nakabitin sa kisame sa kuwarto ng kanilang bahay sa Kaunlaran Extension, Bgy. Batasan Hills, ganap na alas-4:30 ng madaling-araw.
Ayon kay PO3 Joselito Gagaza ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police, ang biktima ay nadiskubre ng kanyang inang si Aling Sucily nang puntahan niya ito sa kuwarto para gisingin.
Gumamit ng nylon cord ang biktima sa kanyang pagbibigti kung saan ipinulupot sa kanyang leeg saka itinali sa kisame.
Nabatid na Huwebes ng gabi, pinagalitan umano ito ng kanyang nanay dahil sa umano’y pagiging gumon nito sa paglalaro ng computer games.
Sinasabing huminto na ang biktima sa pag-aaral dahil hindi rin naman ito pumapasok sa kanyang klase para lang makapaglaro ng computer games.
- Latest
- Trending