Naiwang US$10,000 isinauli ng immigration officer
MANILA, Philippines - Pinatunayan ng isang immigration officer sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 ang katapatan matapos ibalik nito sa pasahero ang envelope na naglalaman ng mahigit sa US$10,000 na naiwan sa immigration counter patungo sa boarding gate ng Cathay Pacific Airways patungong Canada.
Sa kuwento ni Amando Amisola, immigration officer, dakong alas-11:15 ng umaga habang nagtatatak siya ng mga passport ng mga pasaherong paalis ng bansa habang nasa special departure counter ay lumapit sa kanya ang apat-katao para ibigay ang kanilang passport upang ma-clear sa immigration.
Lumilitaw na itinuro ng pasahero ang malaking folder dahil ito aniya ay naiwanan ng isang pamilya na kasunod kaya mabilis niyang hinabol para ibalik hanggang sa final boarding gate 7 sa pre-departure area.
“Natuwa sa akin nang iabot ko ang nasabing envelope. Mabilis siyang nagpasalamat at halos maiyak sa galak dahil naglalaman ng US$10,000 at iba pang denomitaryong pera,” pahayag ni Amasola.
Kinilala naman ni Amasola ang may-ari ng malaking halaga na si Patricio Francisco na isang government official kasama ang asawa at mga anak nito.
Nabatid na hindi maatim ni Amasola na hindi ibalik ang malaking halagang napulot kahit pambayad na sana ito sa ospital sa kanyang ina na may cancer (stage 4).
“Baka ito pa ang magbigay ng kamalasan sa aking buhay kasama ang aking pamilya kung itinago ko ang malaking halaga,” dagdag pa ni Amasola.
- Latest
- Trending