Credit card cloning nabuking ng NBI
MANILA, Philippines - Nagbabala ang pamunuan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa bagong modus-operandi ng credit card syndicate na gumagamit ng ‘cloned’ credit cards mula sa naire-program na nakaw na credit cards matapos madakip ang isa sa dalawang suspek na nakatangay na ng P368,000 halaga ng appliances sa Harrison Plaza, Malate, Maynila.
Sa pahayag ni NBI Director Magtanggol Gatdula, naaresto ng security guard ng Harrison Plaza ang suspek na si Kelvin Barrenechea, 23, binata, ng St. Escolastica St., Pasay City.
Samantala, nakatakas naman ang kasamang suspek na si Victoria Ingel, dala ang mga napamiling gamit mula sa ginamit na pekeng credit cards noong Nobyembre 16, 2010.
Sa ulat ni Atty. Romy Bon Huy Lim, hepe ng Criminal Investigation Division, napuna lamang na peke ang credit cards na ginamit ng dalawang suspek sa pinakahuling binili nila na umabot sa halagang P135,000.
Ang insidente ay may nauna pang serye ng pamimili sa nasabing tindahan na nagsimula pa noong Nobyembre 13, 2010 kung saan natuklasan na si Barrenechea ay gumamit ng credit card na may pangalang Eugene Vega habang si Ingel ay ginamit naman ang credit card na may pangalang Sara Carlos.
Sa imbestigasyon, nabatid na ang mga nakaw at nawawalang credit cards ay inire-reprogram ng sindikato na tinatawag na cloning (duplicate ng existing legitimate credit cards), kung bubusisiin at ikukumpara ay magkaiba ng credit card number sa print out receipt.
Sa huli, ang amount na nabili ay naide-deduct sa lehitimong credit cards. Upang makatiyak na hindi peke o cloned ang credit cards, pinayuhan ng NBI ang mga establisimyento na ikumpara ang credit card number sa numero ng print out receipt.
- Latest
- Trending