Hapones tinodas sa likod ng Philpost
MANILA, Philippines - Kinumpirma ng Vice Consul ng Japan Embassy na isang negosyanteng Hapones ang napaslang na una nang napaulat na binaril sa likurang bahagi ng Central Post Office, Muelle del Rio sa Ermita, Maynila, noong Miyerkules ng gabi.
Kinilala ng pulisya ang napatay na si Yuichiro Matsutani, 35, tubong-Fukakusa Machitori-machi, Fushimi Ward, Kyoto City, Japan at pansamantalang nanunuluyan sa Room 205 Pearl Lane, Adriatico St., Malate, Manila.
Si Matsutani ay positibong kinilala matapos magtungo sa himpilan ng Manila Police District-Homicide Section ang kaibigang si Shigeo Arai, kasama ang Vice Consul na si Yoshikazu Narisawa at Consular Officer na si Reynaldo Licong na umaktong interpreter.
Lumilitaw na hindi bumalik ng hotel ang biktima hanggang sa mapanood sa TV news program ang isang Chinese-looking man na binaril at napatay sa nasabing lugar kaya nagpasyang magtungo si Arai sa MPD.
Huling namataang buhay ang biktima na naglalakad sa Jones Bridge na may kausap na isang ’di-kilalang lalaki kung saan nakarinig ng mga putok ng baril.
May nakapagsabi rin na matapos umanong barilin ang biktima ay itinapon ng suspect sa ilog ang ginamit na baril.
Narekober sa crime scene ang bull cap at crucifix na pendant na pinaniniwalaang naiwan umano ng killer.
- Latest
- Trending