Paputok bawal sa Muntinlupa, Makati
MANILA, Philippines - Mahigpit na ipagbabawal ang pagbebenta ng paputok sa mga lungsod ng Muntinlupa City at Makati sa pagsapit ng Pasko at Bagong Taon.
Nilagdaan kamakalawa ni Muntinlupa City Mayor Aldrin San Pedro ang Executive Order No. 14, na naglalayong ipagbawal sa mga tindahan ang pagbebenta ng mga paputok sa buong lungsod.
Nakasaad sa ordinansa na ipasasara ang mga tindahan na lalabag sa nabanggit na kautusan kung saan papatawan ng kaukulang parusa ang sinumang lalabag.
Hindi lamang sa Muntinlupa, maging sa Makati City ay mahigpit na ipagbabawal ang pagpapaputok lalo na sa bahagi ng Brgy. Bangkal upang maiwasan ang nakaambang trahedya.
Nagpasa rin ng ordinansa ang konseho ng Makati City, na mahigpit na ipagbabawal ang paputok partikular sa bahagi ng Brgy. Bangkal.
Papatawan ng kaukulang parusa ang sinumang lalabag sa nabanggit na ordinansa.
Nasa nabanggit na barangay ang West Tower Condominium kung saan tumagas ang langis mula sa nabutas na pipeline ng FPTIC.
Ayon sa mga opisyal ng lokal na pamahalaan ng Makati Ciy, kapag pinayagang magpaputok sa nabanggit na barangay ay posibleng magdulot ng trahedya.
- Latest
- Trending