75 Pinoy nahaharap sa bitay sa China - PDEA
MANILA, Philippines - Aabot sa 75 Pinoy ang nahaharap sa death row sa bansang China dahil sa kaso ng iligal na droga.
Ayon kay Joseph Ladip, director ng International Cooperation and Foreign Affairs Service ng Philippine Drug Enforcement Agency, lima sa nasabing bilang ang nahaharap sa death penalty nang walang “reprieve”. Ibig sabihin, maaari na anyang patawan ng parusang kamatayan ang mga ito anumang araw mula ngayon.
Apat, anya rito ay pawang mga babae at isa ang lalaki. Pero, ayon kay Ladip, may magagawa pa umano ang gobyerno para maibaba ang sentensya ng mga nasa death chamber. Halimbawa ay kung makapagbibigay ng impormasyon ang Pilipinas sa China para mabuwag ang isang malaking sindikato ng droga o pagkakaaresto ng mga big-time drug lord.
Ayon kay Ladip, 70 naman sa mga nasa death row ang may “reprieve” sa loob ng dalawang taon. Sinabi pa ni Ladip, mula sa dalawang kaso na naitala noong 1993, umakyat na ito ngayon sa 634 Filipino ang naaresto sa ibat ibang bahagi ng mundo dahil sa pagiging drug courier. Kahirapan umano ang pangunahing dahilan kung kaya marami sa mga Filipino ang napipilitan na magpuslit ng illegal na droga sa ibang bansa kapalit ng malaking halaga ng pera.
- Latest
- Trending