M2K hand grenade natagpuan sa QC
MANILA, Philippines - Nabulabog ang mga residente sa isang barangay sa lungsod Quezon makaraang isang granada ang natagpuang naka-ipit sa gate ng isang tahanan dito kahapon.
Lalong nataranta ang mga residente nang mabatid na ang natagpuang M2K grenade ay wala nang pin na ang hinala ay maaaring sumabog. Kaya naman agad na humingi ng saklolo ang mga residente at barangay sa Quezon City Police-Special Weapon and Tactics (QCPD-SWAT) para sa kaukulang disposisyon.
Ayon sa ulat, pasado alas-9 ng umaga nang matuklasan ng isang lalake ang naturang bomba sa gate ng bahay na pag-aari ng isang Eulogio Legaspi na matatagpuan sa #46 De Jesus St., Brgy. San Antonio.
Sa pangambang sumabog ang bomba sa sandaling magalaw, agad na idinulog ng lalake ang nakita sa barangay na agad namang pinalibutan ng mga tanod ang lugar para walang makalapit na tao, bago tuluyang tumawag ng mga pulis.
Sinasabing ang nasabing tahanan na may tatlong palapag ay ginawang paupahan ng may-aring si Legaspi na ang buong pamilya ay nasa Amerika at pinababantayan lamang sa isang caretaker.
Nang respondehan ng SWAT team ay agad namang nailagay sa maayos ang bomba, saka dinala sa kanilang himpilan sa Camp Karingal para sa kaukulang disposisyon.
- Latest
- Trending