Maguindanao massacre suspects naglulungga sa MM

MANILA, Philippines - Sa Metro Manila nag­lulungga ang ilan pang suspect sa karumal-dumal na Maguindanao massacre na ikinasawi ng 57 katao kabilang ang 32 mediamen noong Nobyembre 2009.

Ito ang ibinunyag kahapon ni Chief Supt. Be­nito Estipona,  Com­mander ng Spe­cial Investigation Task Group Maguindanao sa ginanap na Talakayan sa Isyung Pampulis (TSIP) sa Camp Crame.

Ayon kay Estipona, naka­­tanggap sila ng impormasyon na may mga sus­pect na sangkot sa Ma­guin­da­nao massacre ang nagsisipagtago sa kanilang mga kamag-anak dito sa Metro Manila.

Dahil dito, sinabi ni Esti­pona na inatasan na nila ang dalawa sa 20 tracking team ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG)  upang tugisin ang naturang mga suspect na nasa Muslim communities.

Sinabi ni Estipona na nasa 112 pang suspect ang kanilang tinutugis, 83 ang naaresto mula sa kabuuang 195 akusado sa pangu­nguna ng itinuturong master­mind mula sa pamilya Ampatuan.

Sa kasalukuyan ay patuloy na sumasailalim sa paglilitis ang natukoy na mga mastermind na sina dating Maguindanao Governor­ Andal Ampatuan Sr., dating Datu Unsay Mayor Andal Ampatuan Jr., dating ARMM Go­vernor Zaldy Ampatuan at iba pa, pawang nakakulong sa Camp Bagong Diwa, Bicutan­, Taguig City.

Show comments