Maguindanao massacre suspects naglulungga sa MM
MANILA, Philippines - Sa Metro Manila naglulungga ang ilan pang suspect sa karumal-dumal na Maguindanao massacre na ikinasawi ng 57 katao kabilang ang 32 mediamen noong Nobyembre 2009.
Ito ang ibinunyag kahapon ni Chief Supt. Benito Estipona, Commander ng Special Investigation Task Group Maguindanao sa ginanap na Talakayan sa Isyung Pampulis (TSIP) sa Camp Crame.
Ayon kay Estipona, nakatanggap sila ng impormasyon na may mga suspect na sangkot sa Maguindanao massacre ang nagsisipagtago sa kanilang mga kamag-anak dito sa Metro Manila.
Dahil dito, sinabi ni Estipona na inatasan na nila ang dalawa sa 20 tracking team ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) upang tugisin ang naturang mga suspect na nasa Muslim communities.
Sinabi ni Estipona na nasa 112 pang suspect ang kanilang tinutugis, 83 ang naaresto mula sa kabuuang 195 akusado sa pangunguna ng itinuturong mastermind mula sa pamilya Ampatuan.
Sa kasalukuyan ay patuloy na sumasailalim sa paglilitis ang natukoy na mga mastermind na sina dating Maguindanao Governor Andal Ampatuan Sr., dating Datu Unsay Mayor Andal Ampatuan Jr., dating ARMM Governor Zaldy Ampatuan at iba pa, pawang nakakulong sa Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City.
- Latest
- Trending