MANILA, Philippines - Sunog ang katawan ng isang binata na siyang ikinamatay nito makaraang tamaan ng malakas na boltahe ng kuryente habang may kinakalikot sa itaas ng poste ng Meralco sa lungsod Quezon kahapon ng madaling-araw.
Dead-on-arrival sa ospital ang biktimang si Veejay Somira, 21, binata, ng Mangga St., Tala Caloocan City.
Nangyari ang insidente sa may Bongavilla St., Maligaya Park, Brgy. Pasong Tamo sa lungsod ganap na alas-3:30 ng madaling-araw.
Bago ito, ayon kay Dolores Biron, nakarinig umano siya ng malakas na pagsabog mula sa labas ng kanyang bahay.
Dahil dito, agad na tiningnan niya ang pinagmulan nito kung saan natagpuan ang biktima na nakahandusay sa bangketa malapit sa kongkretong poste ng kuryente at sunog ang katawan.
Hindi tiyak kung ano ang ginagawa ng biktima sa poste, kung saan nakitang may nakakalas na ilang piraso ng mga turnilyo sa isang metrong nakakabit dito na maaaring dahilan ng kanyang pagkakakuryente.