'Manananggal' nasabat
MANILA, Philippines – Himas-rehas ngayon ang isang pintor makaraang mahuli sa akto habang nagpuputol ng kable ng telepono sa isang lugar sa lungsod Quezon kahapon.
Kinilala ang suspect na si Alexander Giray, 30, ng Belen St. Brgy. Gulod, Novaliches Quezon City.
Nasamsam sa kanya ang 400 pares ng 49 metro ng aerial cable wires na nagkakahalaga ng P120,000.
Ayon kay PO3 Kingly James Bagay, alas-3 ng madaling- araw nang maaresto ng mga nagrorondang kagawad ng Barangay Police and Security Officers (BPSO) ang suspect habang nagbabaklas ng kable sa isang lugar.
Nang siyasatin ng mga tanod ay nadiskubre pa nila ang ilang piraso ng kable dahilan para damputin nila ito at dalhin sa himpilan ng pulisya.
Nabatid na sinampahan na ng kaso ni Genesis Malacoco, operations manager ng Lanting Security Agency na nakatalaga sa Bayantel Communications sa Bayan Corporate Center Maginhawa corner Malingap Sts., Diliman, Quezon City ang suspect.
- Latest
- Trending