MANILA, Philippines – Matinding takot umano sa humahabol na pulis ang dahilan ng pagtalon ng isang 38-anyos na lalaki sa Pasig River na naging dahilan ng kanyang kamatayan sa bahagi ng Sta. Mesa, Maynila.
Kahapon, lumutang na ang bangkay ni William Ocieas, ng Sta. Ana, Maynila.
“Natakot sa pulis dahil huhulihin sa pagsusugal, tumakbo tapos tumalon sa Pasig River na nasa likod ng Sta. Ana Market,” ayon kay PO3 Alonzo Layugan.
Nabatid na dakong alas- 6 ng umaga kahapon nang matagpuan sa Pasig River na sakop ng Bacood, Sta. Mesa ang bangkay ng biktima.
Ayon sa ulat, dakong ala-1 ng hapon noong Sabado nang bulabugin ng mga pulis ang paglalaro ng cara y cruz ng kalalakihan sa Sta. Ana at isa umano ang biktima sa huhulihin nang biglang tumalon sa ilog.
Hindi na nakita pa ang biktima hanggang sa lumutang ang bangkay nito kahapon at nakilala lamang ng pamilya niya sa suot nitong damit dahil sa naagnas na ang bangkay nito.