Holdaper utas sa shootout
MANILA, Philippines – Bumulagta ang isang miyembro ng riding-in- tandem gang matapos makipagpalitan ng putok sa rumespondeng mga pulis matapos mangholdap sa isang babae sa isang pampasaherong dyip sa panulukan ng Maceda at Dapitan Sts., sa Sampaloc, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Inilarawan ang nasawing suspect na nasa gulang na 20-25 anyos, 5’11’’ ang taas, kayumanggi, katamtaman ang pangangatawan, nakasuot ng kulay asul na long sleeves at kulay berdeng t-shirt at maong short pants.
Sinabi naman ni MPD-Station 4 chief, Supt. Jemar Modequillo na nakasibat ang isa pang suspect nang iwan nito ang kasamang may tama na.
Dakong alas-3:40 ng madaling-araw nang tutukan ng baril ng dalawang suspect ang biktimang si Jane Perez sa may España Blvd. malapit sa M. de la Fuente St., Sampaloc. Natangay ang wallet at cellphone ng biktima at mabilis na nagsitakas.
Agad namang dumulog sa pulisya ang biktima na rumesponde agad kung saan naispatan umano sa panulukan ng Dapitan at Maceda ang dalawa, sakay ng walang plakang scooter na positibong itinuro ng biktima na siyang nangholdap sa kanya.
Pinara ito ng mga pulis subalit imbes na sumuko ay pinaputukan ang mga pulis kaya napilitang gumanti ng putok ang mga huli kung saan tinamaan ang isa sa mga suspect habang tumakas ang kasamahan nito.
Narekober sa napaslang na suspect ang wallet ng biktima na naglalaman ng P3,000.
- Latest
- Trending