MANILA, Philippines - Pinagmumulta ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang First Philippine Industrial Corporation (FPIC) ng P24. 2 milyon matapos na mabatid ng Pollution Adjudication Board (PAB) na may pananagutan ang naturang kompanya sa pagtagas ng langis sa West Tower Condominium (WTC) sa Makati City.
Nagdulot kasi ang nasabing pagtagas nang pagkalason ng tubig na ginagamit sa naturang condominium kung kaya nararapat lamang pagmultahin ang mga ito buhat nang madiskubre ang tagas ng langis mula sa kanilang tubo.
Inihayag ni DENR Secretary Ramon J.P. Paje na labag umano sa Section 27 ng Republic Act No. 9275 o Clean Water Act ang paglalabas, pagpapasok o pagpapahintulot na tumagas sa lupa ang anumang uri ng substance na makakalason sa ating tubig.
“In a resolution issued Monday (November 19) by the PAB, the FPIC was directed to show cause within five (5) days upon receipt of the order to explain why the Lopez-owned firm should not be paying the fine of P200,000 per day of violation or from the time of the discovery until the leak was finally plugged,” ayon kay Paje.
Bunsod ng P200,000 kada araw na multa mula nang madiskubre ang leak, aabot sa P24.2 milyon ang babayarang danyos ng FPIC.
Batay sa records ng PAB, nadiskubre ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang tagas malapit sa basement 4 ng WTC sa Brgy. Bangkal, Makati City noong Hulyo 12, 2010.
Nag-ugat ang desisyon ng PAB sa pormal na reklamong inihain ni DENR-NCR Director Roberto Sheen sa Environmental Management Bureau (EMB) ng nabanggit na kagawaran nitong Nobyembre 15 ng kasalukuyang taon.