SK chair, kinuwestiyon sa pagtakbo bilang SK prexy
MANILA, Philippines - Kinuwestiyon ng isang barangay chairman ang umano’y pagtakbo ng isang Sangguniang Kabataan (SK) chairman sa Maynila bilang SK President samantalang hindi naman ito umano residente at botante ng lungsod.
Ayon kay Bgy. Chairman Jose Abrito ng Bgy. 767 Zone 83, wala umanong karapatan si SK Dennis Ibay na tumakbo bilang SK President dahil sa Makati umano ito nakatira at hindi sa Maynila na tulad ng ipinakakalat ng grupo nito.
Sinabi ni Abrito na kilala niya ang mga nakatira sa kanyang barangay dahil nanungkulan siya ng tatlong termino simula 1989 at kailanman ay hindi niya nakita duon ang SK President. Muli siyang tumakbong chairman sa nakaraang halalan kung saan tinalo naman niya ang asawa ni 5th District councilor Ric Ibay.
Sa kanyang pagsasalita sa convention na dinaluhan ng mga SK chairman ng 5th district, inakusahan din ni Abrito si Councilor Ibay na nais na pagtakpan ang isyu hinggil sa laptop at ang umano’y pondo ng SK sa panunungkulan naman ng kanyang anak na si Councilor Russel Ibay.
Iginiit ni Abrito na panahon na upang mabago ang sistema at pamunuan ng SK dahil ang mga kabataan ang mga susunod na magiging lider ng bansa. Hindi umano dapat nagagamit sa anumang katiwalian ang mga kabataan.
- Latest
- Trending