MANILA, Philippines – Pinaigting ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang pag-iinspeksyon sa mga pagawaan ng paputok sa Bulacan. Ito ay makaraan ang magkasunod na insidente ng pagsabog.
Sinabi ni BFP chief Rolando Bandilla, nakipag-ugnayan na sila sa Philippine National Police para matiyak ang kaligtasan ng publiko lalo na ng mga manggagawa sa mga pagawaan ng paputok.
Aniya, kanilang paiiralin ang patakarang tatlong daang metrong layo mula sa mga residential unit.
Ang pagkakatanggal ng lisensya o pagpapasara ang maaring ipataw na parusa ng PNP at BFP sa mga lalabag dito.