20 utas sa Commonwealth 'killer' Avenue
MANILA, Philippines - Umaabot na sa 20 katao ang naitatalang nasawi sa kahabaan ng Commonwealth sa Quezon City na tinaguriang “killer avenue” sa lungsod mula lamang nitong Oktubre.
Kabilang dito ang nasawing ginang kamakalawa makaraang suwagin nang humahagibis na pampasaherong bus.
Nakilala ang biktimang si Eufemia Candalo, 45, ng Pag-ibig Village, Brgy. Commonawealth, Quezon City na binawian ng buhay sa Fairview General Hospital makaraan ang limang oras na paggagamot sa Intensive Care Unit (ICU) ng pagamutan.
Ang biktima ay nagtamo ng pagkabali ng baywang at matinding pagkabagok ng ulo na naging sanhi ng kanyang kamatayan.
Bunsod nito, nanawagan ang mga residente sa Brgy. Commonwealth partikular ang mga nakatira sa Don Fabian Subd., Bitoon Circle, Pag-ibig Village, Litex Road, Don Jose Subd. at Doña Carmen Subd. na lagyan na ng overpass sa tapat ng Don Fabian Village para maiwasan na ang mga aksidente sa nabanggit na lansangan.
Anila, taong 2000 pa nang manawagan ang mga residente kay dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo na lagyan ng overpass ang Commonwealth Avenue sa may Don Fabian subalit bigo sila na mangyari ito.
Si Candalo ay nasagasaan ng Ralfh Benz Express bus ( TXR-506) na minamaneho ni Anatalio Ladesma dakong alas-9:30 ng umaga.
- Latest
- Trending