Number coding sa jeep ipapatupad na rin
MANILA, Philippines - Nakatakdang ipatawag ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Metro Manila Council (MMC) ang lahat ng stakeholders at transport groups sa isang transport summit upang talakayin ang pagpapatupad rin ng number coding sa mga pampasaherong jeep matapos na ipatupad na ito sa mga pampasaherong bus.
Sinabi ni MMDA spokesperson Tina Velasco na isasagawa ang traffic management summit sa Disyembre 3 kung saan iniimbitahan ang mga operators, opisyales ng transport groups at iba pang stakeholders para sa konsultasyon.
Isa rin umanong sensitibong isyu ang number coding scheme sa mga pampasaherong jeep na higit na mas marami kaysa sa mga bus. Ngunit kung maipatutupad ito, tiyak umano na mararamdaman ang pagluluwag sa mga kalsada sa buong Metro Manila.
Ayon sa MMDA, nakapaloob pa rin ang mga pampasaherong jeep sa Unified Vehicular Volume Reduction Program (UVVRP) base sa batas na Republic Act 7924 na lumikha sa MMDA.
Kaya umano ito tinawag na “unified” dahil pasok dito ang mga pribado at mga pampublikong mga sasakyan.
Sa planong pagpapatupad ng number coding sa mga jeep, nakatutok ang MMDA sa kaligtasan, pagiging komportable at bilis ng biyahe ng publiko.
Kahit hindi pa nakokonsulta, nagbanta naman kaagad ang militanteng grupong Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) ng “transport strike” kung igigiit ng MMDA ang number coding sa kanila.
- Latest
- Trending