MANILA, Philippines - Nagpatupad na ng limit sa ikinakargang gasolina ang maraming gasolinahan sa Metro Manila dahil sa limitadong suplay ng petrolyo na inirarasyon sa kanila ng Chevron Philippines at Filipinas Shell dahilan naman ng pagpa-panic buying ng maraming motorista.
Ayon sa ulat, ilang istasyon ng Chevron ang nagpatupad ng P1,000 limit sa ikinakarga nilang gasolina sa mga motorista na nagpapakarga sa kanila upang mapatagal ang kanilang imbentaryo.
Bukod dito, marami na ring istasyon ng gasolina ang maagang nagsasara ng alas-10 ng gabi buhat sa dating 24 na oras na operasyon habang apat na araw naman sa isang linggo nagbubukas ang ilan pang istasyon.
Kinumpirma naman ng ilang station manager na marami nang motorista ang nagpa-panic buying at nagpapakarga ng maraming gasolina makaraan ang panibagong pagtataas sa presyo ng petrolyo kamakalawa. Nagresulta umano ito ng mabilisang pagkaubos ng suplay na petrolyo sa maraming mga istasyon.
Sinabi naman ni Chevron spokesman Toby Nebrida na nasa “management decision” ng mga “retailers” nila ang pagpapatupad ng limit sa itinitindang petrolyo. Nilinaw ni Nebrida na walang kakapusan sa suplay ng petrolyo ngunit ang nagiging problema ay ang pagbiyahe nito buhat sa Batangas tungo sa mga istasyon sa Metro Manila buhat nang magsara ang pipeline ng First Philippine Industrial Corporation (FPIC) na kanilang ginagamit para maghatid ng suplay ng petrolyo.
Asahan na umano na mananatili ang naturang sitwasyon hanggang hindi nareresolba ng FPIC at ng pamahalaan ang problema sa pipeline habang ginagawa naman umano ng Chevron ang lahat ng solusyon sa pagdedeliber ng petrolyo sa kanilang mga retailers.